-- Advertisements --

Idineklara ng House Committee on Justice na sapat ang batayan ng ikatlo at ikaapat na impeachment complaint laban kay Bise Presidente Sara Duterte, kaya’t uusad na ang proseso sa susunod na yugto ng pagdinig.

Pinagtibay ito nang walang pagtutol mula sa mga miyembro ng komite sa pangunguna ni Chairperson Atty. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro. 

Magkahiwalay na mosyon ang inihain at inaprubahan para sa dalawang reklamo.

Kasunod nito, itinakda ang mga paunang petsa ng pagdinig sa Marso 25 at Abril 14, 22, at 29, 2026. 

Sa yugtong ito, ihaharap ang mga ebidensiya at testigo upang matukoy kung may probable cause para sa impeachment.

Pinahintulutan din ng Kamara ang komite na magsagawa ng mga pagdinig kahit sa panahon ng recess mula Marso 21 hanggang Mayo 3.

Tuloy na ang mas masusing pagtalakay sa mga reklamo habang papasok ang proseso sa mas substansyal na bahagi ng impeachment proceedings.

Bukod dito, kinilala ng komite ang pagtanggap ng liham na may petsang Marso 5 mula kay abogadong Chel Diokno na humihiling ng paglalabas ng subpoena duces tecum para sa mga kaugnay na dokumento.

“I move to declare that the third impeachment complaint has sufficient grounds to conduct a hearing by this committee,” ani House Senior Deputy Majority Leader Lorenz Defensor ng Iloilo.

Walang tumutol sa mosyon kaya idineklarang may sapat na batayan ang Zaballa et al. impeachment complaint.

Para naman sa ikaapat na reklamo o Cabrera complaint, si Deputy Speaker Janette L. Garin ng Iloilo ang naghain ng mosyon.

“I move to declare and approve the sufficiency of grounds for impeachment of the fourth impeachment complaint, the Cabrera complaint,” wika niya.

Wala ring tumutol kaya idineklara itong may sapat na batayan.

“At this point, Hon. Members of the Justice Committee, we declare the conclusion of the determination of sufficiency in grounds,” pahayag ni Luistro.