Kumpiyansa ang Malacañang na iimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang gawa-gawa o pekeng medical document na sinasabing nagdedetalye sa kalagayan ng kalusugan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary at Palace Officer Claire Castro na hindi dapat balewalain ang gawa-gawang impormasyon hinggil sa kalusugan ng Pangulo dahil ito ay isang seryosong bagay.
Iginiit pa ni Castro na hindi na kailangan pang pagsabihan ang NBI na imbestigahan ang naturang isyu dahil ito ay kanilang mandato o tungkulin at hindi na nangangailangan pa ng kautusan mula sa Pangulo.
Giit ni Castro, inaasahan na kikilos agad ang mga awtoridad ukol dito.
Una nang kinondena ng PCO ang pagkalat ng naturang medical report hinggil sa kalusugan ng Pangulo at tinawag itong peke at malisyoso.
Hinimok naman ng Palasyo ang publiko na maging mapagbantay laban sa mga disinformation o mga pekeng impormasyon at iwasang magkalat ng mga hindi beripikado at mali-maling content, lalo na’t tinitingnan na ang legal na hakbang kaugnay sa insidente.
















