-- Advertisements --

Binigyang diin ng Bureau of Immigration na hindi na pahihintutulutan muling makabalik ng bansa ang naaresto’t ipina-deport na Russian vlogger.

Ayon kay Immigration Comm. Joel Anthony Viado, permanente nang ‘ban’ si Vitaly Zdorovetskiy na makapasok ng Pilipinas alinsunod na rin sa batas.

Habang pagtitiyak naman ng kawanihan na kanilang hindi isinasantabi ang mga pahayag ni Vitaly ukol sa kanyang pananatili sa loob ng detention facility.

Sisilipin aniya nila ang alegasyon at rebelasyon ng Russian vlogger nagkaroon ito ng access sa smartphone pati umano’y korapsyon sa piitan.

Giit ni Immigration Comm. Viado na ang anumang alegasyon at kapalpakan sa pagpapanatili ng seguridad sa kanilang warden facility ay seryosong paiimbestigahan.

Alinsunod rito’y ibinahagi niyang nakumpiska ng mga operatiba ng kawanihan ang ilang kontrabando, hindi otorisadong pera, mobile phones, electronic devices sigarilyo at iba pa sa kanilang kulungan sa Taguig at Muntinlupa City.

Ito’y buhat nang magsagawa ng inspeksyon at operasyon sa mga naturang piitan sa ilalim ng pamamahala ng kawanihan.

Kung kaya’y binigyang diin ni Comm. Viado na ang sinuman mahuhuling may nilabag sa panuntunan ng Bureau of Immigration ay tiyak na kakaharap sa parusang administratibo at kriminal.