-- Advertisements --

Inamin ng Malacañang na posibleng muling hindi maabot ng administrasyon ang GDP growth target ngayong taon. 

Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, kabilang sa mga dahilan ay ang patuloy na imbestigasyon sa umano’y maanomalyang flood control projects, pati na ang sunud-sunod na nararanasang lindol, pagbaha, at mga bagyo.

Siniguro naman ni Castro na hindi ipahihinto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang imbestigasyon at sa halip ay inatasan ang economic team na palakasin ang mga plano para sa job generation, income growth, at turismo upang pasiglahin ang ekonomiya.

Kinumpirma naman ni Castro na nakita na ng Pangulo ang full-year GDP report para sa 2025.

Ipinaliwanag naman ng economic team sa Pangulo na ang economic slowdown ay dulot ng umiiral na geopolitical tensions at epekto ng imbestigasyon sa umano’y maanomalyang flood control projects.

Ayon naman kay Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs Frederick Go, nais ng Pangulo na mapalakas ang investments upang makalikha ng mas maraming dekalidad na trabaho at mapababa ang kahirapan.

Nananatiling kontrolado naman ang inflation at inatasan ang mga ahensiya na tiyaking manatili itong mababa.