Inanunsyo ng National Police Commission (NAPOLCOM) nitong Biyernes, Enero 16, ang pagsibak sa serbisyo ng 11 pulis matapos mapatunayang nagkasala sa grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero.
Ayon kay NAPOLCOM Vice Chairperson at Executive Officer Rafael Vicente Calinisan, kanilang napatunayang nagkasala sa administratibo ang mga naturang miyembro ng Philippine National Police (PNP) na kinabibilangan nina:
- Police Lieutenant Colonel Ryan Jay Eliab Orapa
- Police Major Mark Philip Simborio Almedilla
- Police Executive Master Sergeant Aaron Ezrah Lagahit Cabillan
- Police Chief Master Sergeant Arturo Opalla Dela Cruz Jr.
- Police Senior Master Sergeant Joey Natanauan Encarnacion
- Police Senior Master Sergeant Mark Anthony Aguilo Manrique
- Police Senior Master Sergeant Anderson Orozco Abary
- Police Staff Sergeant Alfredo Uy Andes
- Police Staff Sergeant Edmon Hernandez Muñoz
- Police Corporal Angel Joseph Ferro Martin
- Police Staff Sergeant Renan Lagrosa Fulgencio
Samantala, inirekomenda rin ang pagsibak sa serbisyo ng dating hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na si Police Brigadier General Romeo Macapaz dahil umano sa pagbabago at pagbura ng mga mensahe ngmagkapatid na Julie “Dondon” at Elakim Patidongan na itinuturing na pangunahing mga saksi gayundin ang pagkawala ng mga SD card na naglalaman umano ng mahahalagang ebidensya kaugnay ng kaso.
Ipinaliwanag ni Calinisan na ang rekomendasyon Macapaz ay nangangailangan pa ng presidential clearance para sa mga pulis na may ranggong police colonel pataas.
















