-- Advertisements --

Papalakasin ang kooperasyon ng ASEAN Plus Three sa sektor ng turismo sa pagpapatuloy ng isang linggong ASEAN Tourism Forum 2026 na ginaganap sa Lungsod ng Cebu ngayong Enero 27, 2026.

Ang pagtitipon ay pinangungunahan ni Department of Tourism (DOT) Undersecretary Verna C. Buensuceso, na siya ring Chairman ng Philippine National Tourism Organization, kasabay ng ika-48 Meeting ng ASEAN Plus Three National Tourism Organizations (NTOs).

Sa ilalim ng temang “Navigating Our Tourism Future, Together,” nagtipon ang mga senior tourism officials mula sa iba’t ibang bansang kasapi ng ASEAN, kasama ang kanilang mga dialogue partners na China, Japan, at South Korea (Republic of Korea).

Layunin ng forum na higit pang patibayin ang ugnayan sa rehiyon at pabilisin ang pagbangon at tuloy-tuloy na pag-unlad ng sektor ng turismo.

Tinalakay rin sa pulong ang ASEAN Tourism Sectoral Plan (ATSP) Post-2025, na naglalayong palalimin ang pagkakaisa at kolaborasyon ng ASEAN Plus Three para sa mas matatag na kinabukasan ng turismo.

Samantala, ipinahayag ni Hironobu Nara, Deputy Commissioner ng Japan Tourism Agency Ministry, ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa lahat ng tumulong at nagbigay-suporta upang maging matagumpay ang naturang kaganapan.

Nagpahayag din si Nara ng pakikiramay sa mga nasawi sa naganap na trahedya sa gumuho na landfill sa Binaliw noong Enero 8, at tiniyak ang kanyang panalangin para sa lahat ng apektado upang makabangon sa lalong madaling panahon.