Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr, ang pagre-recalibrate ng paghahanda ng Pilipinas para sa ASEAN 2026 upang makatipid at matutukan ang mahahalagang usapin.
Ayon sa Pangulo, bilang bahagi nito, ililipat online ang humigit-kumulang 650 preparatory meetings, kabilang ang mga pagpupulong ng working groups, senior officials, at ministerial level.
Kinumpirma ni Pang. Marcos na gagawing “bare bones” o simple ang Leaders’ Summit sa Mayo, na tututok sa mga agarang isyu tulad ng seguridad sa enerhiya, pagkain, at kapakanan ng migrant workers.
Naglabas na ng memorandum ang pamahalaan upang ipatupad ang mga pagbabagong ito, kabilang ang pagdaraos ng diplomatic briefings ng Department of Foreign Affairs.
Ayon naman kay ES Ralph Recto, layunin ng hakbang na ito na palakasin ang pagkakaisa ng ASEAN at makabuo ng konkretong tugon sa mga pandaigdigang hamon, lalo na sa gitna ng krisis sa Gitnang Silangan.
Inaasahan ding makatitipid ang gobyerno at ilalaan ang pondo sa mga programang tutulong sa mga mamamayang apektado ng global oil crisis.
Binigyang-diin ng pamahalaan na higit na mahalaga ngayon ang agarang aksyon at praktikal na solusyon kaysa engrandeng seremonya.
















