Maaaring ipa-subpoena ang vlogger na si Jack Argota kaugnay ng umano’y pagkalat ng pekeng medical record ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ayon sa National Bureau of Investigation (NBI).
Ayon kay NBI Acting Director Lito Magno, iniimbestigahan ng ahensya ang mga sangkot sa pagpapakalat ng dokumentong may logo ng St. Luke’s Medical Center, na mariing itinanggi ng ospital na nag-isyu.
Binanggit ni Magno na kabilang sa mandato ng NBI ang pagbantay sa seguridad ng Pangulo, Bise Presidente, at iba pang opisyal, kaya itinuturing na national concern ang isyu.
Sinabi rin niya na maaaring ipatawag si Argota at iba pang indibidwal na nag-share din umano ng pekeng impormasyon.
‘Ang [gagawin] natin ay maaari natin ipatawag, i-subpoena para marinig din naman kung ano ang side nila,’ paliwanag ni Magno tungkol sa posibleng aksyon laban kay Argota at iba pang vloggers.
Nagbigay paalala din ang NBI chief, na ipinagbabawal ng batas ang malisyoso at mapanirang pahayag, kabilang sa cyberspace, na maaaring ituring na cyberlibel.














