-- Advertisements --

Isinagawa ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ang isang malawakang earthquake drill sa Intramuros, Maynila ngayong araw.

Layunin ng aktibidad na palakasin ang kahandaan ng mga residente, estudyante, at manggagawa sa harap ng banta ng malalakas na lindol. Kabilang sa mga senaryo ang mabilis na paglikas mula sa mga gusali, first aid response, at koordinasyon ng mga emergency team.

Ayon sa CDRRMO, mahalaga ang ganitong pagsasanay dahil nananatiling mataas ang panganib ng lindol sa Metro Manila, lalo na sa kahabaan ng West Valley Fault na maaaring magdulot ng “Big One” na may lakas na magnitude 7.2.

Batay sa pag-aaral ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), tinatayang aabot sa mahigit 30,000 katao ang maaaring mamatay at higit 100,000 ang masusugatan kung tatama ang naturang lindol sa Kalakhang Maynila.

Noong nakaraang taon, nakaranas ang bansa ng serye ng malalakas na lindol kabilang ang Davao Occidental at Cebu.

Dahil dito, mas pinaigting ng mga lokal na pamahalaan ang kanilang disaster preparedness programs.

Giit ng CDRRMO, ang regular na pagsasagawa ng earthquake drills ay susi upang mabawasan ang pinsala at masagip ang mas maraming buhay sa oras ng sakuna.

Dagdag pa nila, nakatakda ring magsagawa ng katulad na aktibidad sa iba pang distrito ng Maynila sa unang quarter ng 2026.