Pansamantalang isinara ng United Arab Emirates (UAE) ang kanilang airspace nitong Martes, Marso 17, habang ang kanilang military ay in-intercept ang ilang mga paparating na missile at drone attack mula sa Iran
Ayon sa General Civil Aviation Authority ng UAE, ginawa ang hakbang bilang “exceptional precautionary measure” para sa kaligtasan ng mga pasahero at piloto, at para protektahan ang teritoryo ng bansa.
Ang desisyon ay kasunod din ng isang Iranian drone attack noong Lunes na nagpasiklab sa isang fuel tank sa Dubai International Airport, na itinuturing isa sa pinakamahalagang paliparan sa buong mundo.
Kasabay nang nagpapatuloy na digmaan sa Middle East, pinatindi ng Israel ang pagbomba sa mga Iran-backed militants sa Lebanon kung saan gumanti ang Iran sa pamamagitan ng mga drone at missile strikes na nakaapekto sa ilang bansa sa Gulf region.
Bukod dito tumaas din ang pangamba sa global energy crisis, dahil sa pagharang ng Iran sa Strait of Hormuz—isang mahalagang ruta ng 1/5 ng langis sa mundo.
Umarangkada naman sa $100 ang kada bariles ng presyo ng Brent crude.
Una nang hiniling ni U.S. President Donald Trump sa European leaders na magpadala ng warships upang panatilihing bukas ang strait, ngunit tinanggihan ito ng mga lider ng bansa sa Europa.
Iginiit naman ng Iranian Foreign Minister Abbas Araghchi na bukas ang strait ngunit hindi para sa Estados Unidos, Israel at kanilang mga kaalyado at itinanggi ang mga ulat na naghahanap sila ng ceasefire.
Simula nang atakihin ng U.S. at Israel ang Iran higit dalawang linggo na ang nakalilipas, regular na nagpapalipad ng drones at missiles ang Tehran laban sa Israel, mga military base ng Amerika, at mga energy infrastructure sa Gulf region.
Nitong Martes ng umaga, iniulat ng militar ng Israel ang panibagong missile salvo ng Iran malapit sa Sea of Galilee, ngunit walang naiulat na nasugatan sa pag-atake.
















