-- Advertisements --

Nakatakdang talakayin na sa susunod na linggo ang ethics complaint laban kay Dasmarinas Cavite Rep. Kiko Barzaga.

Ito ang kinumpirma ni House Committee on Ethics and Privileges Chairman Rep. JC Abalos.

Sinabi ni Abalos na aabisuhan si Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga at bibigyan ng pagkakataong marinig ang kanyang panig sa itinakdang pagdinig ng komite sa susunod na linggo.

Ang pagdinig ay kaugnay ng privilege speech na inihain ni Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano noong Martes, kung saan nanawagan ito ng mas mabigat na parusa laban kay Barzaga dahil sa umano’y patuloy na paglabag sa House Rules.

Matatandaang noong Disyembre ay ipinataw ang 60-araw na suspensyon kay Barzaga dahil sa umano’y “disorderly behavior.”

Ayon kay Abalos bukod kay Barzaga marami pang miyembro ng kamara ang nahaharap sa ethics complaints.

Tumanggi naman si Abalos na ibunyag ang mga ito dahil ito ay confidential.

Tugon ito ni Abalos matapos tangungin kung may naghain ng ethics complaint laban kay Batangas Rep. Leandro Leviste.

Samantala, nilinaw ni Abalos na posibleng mas mabigat pang parusa ang kaharapin ng mga mambabatas, lalo na kung patuloy silang lalabag at hindi susunod sa itinakdang mga panuntunan. 

Ayon sa kanya, hindi nagtatapos sa simpleng suspension ang maaaring ipataw na parusa. 

Ang pinakamabigat na kaparusahan na maaaring ipataw sa isang miyembro ng Kamara ay ang tuluyang pagpapatalsik o expulsion mula sa House of Representatives.

Gayunman, binigyang-diin din ni Abalos na hindi saklaw ng kapangyarihan ng Komite ang magrekomenda ng perpetual disqualification o habambuhay na pagbabawal sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno. 

Aniya, may malinaw na limitasyon ang mandato ng Komite at nakatuon lamang ito sa mga parusang pinahihintulutan sa ilalim ng umiiral na mga patakaran ng Kamara.