Dalawang (2) senior citizen ang nasawi habang anim ang sugatan sa sunog na sumiklab madaling araw ng Sabado sa isang residential area sa Barangay Tejeros, Makati City.
Na-trap sa kanilang bahay ang mag-asawang senior citizen na hindi na nakalabas dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy. Ayon kay SFO1 Jomhar Tuburan, Fire Investigator ng Bureau of Fire Protection (BFP) Makati, bedridden umano ang isa sa mag-asawa.
Mahigit 100 pamilya o halos 400 indibiduwal ang nawalan ng tirahan matapos mabilis na kumalat ang apoy sa mga dikit-dikit na bahay na gawa sa light materials.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago naapula bandang alas-7 ng umaga, na nagdulot ng tinatayang halos P2 million pinsala.
Posibleng nagmula ang sunog sa isang bahay na matagal nang walang kuryente, ayon sa BFP.
Nagpaabot naman ng tulong ang lokal na pamahalaan. Ayon kay Makati City Mayor Nancy Binay, sasagutin ng lungsod ang ilang gastusin kaugnay ng funeral arrangements ng mag-asawang nasawi.
















