-- Advertisements --

Tinalo ng nangungulelat na Indiana Pacers ang top NBA team na Oklahoma City Thunder, sa kabila ng 47-point performance ni 2025 NBA MVP Shai Gilgeous-Alexander.

Isang big-time performance ang ipinamalas ng Pacers guard na si Andrew Nembhard na kumamada ng 27 points mula sa sampung field goals na ipinasok, kabilang ang apat na 3-pointers.

Nagrehistro rin ang rookie guard ng 11 assists at pitong rebounds.

Hindi tulad ng mga nakalipas na laro ng kulelat na Pacers, nagawa nilang panatilihin ang mahigpit na depensa at impresibong opensa hanggang sa pagtatapos ng laban.

Hindi naisalba ni Gilgeous-Alexander ang kaniyang koponan sa kabila ng kaniyang 47 points, kasama ang 25 points at 13 rebounds ng bigman na si Chet Holmgren.

Pinilit ng OKC na humabol sa huling quarter mula sa 4-point deficit na dinanas sa pagtatapos ng third quarter.

Sa huling dalawang minuto ng laro, gumawa si Shai ng pitong puntos at inilapit ang kalamangan sa isang puntos lamang, ngunit muling lumayo ang Pacers sa tulong ng clutch performance ni Jarace Walker.

Sa huli, tinapos ng Pacers ang mistulang 2025 NBA Finals rematch sa score na 117-114 at ibinulsa ang ika-11 panalo ngayong season, tangan ang 35 pagkatalo.

Sa kabila ng pagkatalo, nananatili pa ring top team sa NBA ang OKC sa kartada nitong 37-9.