-- Advertisements --

Muling binuhat ni Jamal Murray ang kanyang koponan matapos itong magtala ng season-high na 52 points sa panalo ng Denver Nuggets kontra Indiana Pacers, 135-120.

Maganda ang ipinamalas na shooting ni Murray sa laban, kung saan naipasok niya ang 19 sa 25 na tira at tumikada ng 10 three-pointers.

Malaki rin ang naging kontribusyon ng star player na si Nikola Jokic, na nagtala ng 24 points, 8 rebounds at 13 assists—dalawang rebounds na lang ang kinulang para sa back-to-back triple-double. Siya rin ang kasalukuyang nangunguna sa NBA ngayong season na may 11 triple-doubles.

Samantala, nag-ambag din ng double-figure scoring sina Bruce Brown, Tim Hardaway Jr., at Peyton Watson upang masungkit ng Nuggets ang kanilang ikatlong sunod na panalo.

Nasayang naman ang 23 points ni Pascal Siakam at 16 points ni Andrew Nembhard na hindi sapat para buhatin ang Pacers tungo sa panalo.