Ipinag-utos na ni Department of Agriculture (DA) Sec. Francisco Laurel Jr. ang paghihigpit sa monitoring sa presyo at suplay ng bigas, kasabay ng tumitinding giyera sa Gitnang Silangan.
Paliwanag ni DA Spokesperson Asec. Arnel De Mesa, simula sa susunod na linggo ay kailangan na ng mas mahigpit na monitoring sa mga pamilihan at sa mga bodega ng bigas upang masigurong may sapat na suplay ng bigas at hindi naaabuso ang presyo nito habang ibinebenta sa mga merkado.
Asahan aniya ang mas madalas na pag-iikot ng DA team sa mga pamilihan upang bantayan ang presyo, lalo na sa mga lugar na may mataas na konsumo.
Sa kasalukuyan, nagsimula na aniya ang harvest season at magpapatuloy ang mataas na bulto ng local rice hanggang sa buwan ng Abril, kaya’t tiyak pa rin aniya ang mataas na stock ng bigas sa Pilipinas.
Para sa imported rice, nananatili aniyang pinakamalaking supplier ng bigas ang Southeast Asian counties tulad ng Vietnam, Cambodia, at Myanmar, at hindi gaanong malaki ang nagagastos sa transportasyon, kaya’t hindi inaasahan ang labis na pagtaas sa presyo ng imported rice kapag tuluyan nang nakarating sa Pilipinas at ibinenta sa mga lokal na merkado.
Kung maaapektuhan man aniya ang imports, tanging sa freight cost lamang makikita ang labis na impact, na posibleng magdudulot ng domino effect sa local prices.
Sa kabuuan, dapat aniyang maging proportional at makatwiran ang anumang pagtaas ng presyo ng bigas dahil sa nagpapatuloy na kaguluhan sa Middle East, bagay na babantayan aniya ng DA sa mga susunod na araw.
















