Nasa opisina na ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang draft para sa pagpapataw ng price cap sa mga imported na bigas, ayon kay Department of Agriculture (DA) Asec Genevieve Guevarra.
Sa ngayon ay hinihintay na lamang ang ilalabas na Executive Order para tuluyan itong maipatupad sa buong bansa.
Paliwanag ni Guevarra, nauna nang naaprubahan ang rekomendasyon ng National Price Coordinating Council (NPCC) na magtakda ng P50 price cap para sa kada kilo ng imported na bigas.
Ang naturang desisyon ay naipadala na sa opisina ni Pang. Marcos at hinihintay na lamang ang pinal na desisyon ng pangulo para tuluyan itong ipatupad.
Sa naunang opisyal na komunikasyon sa pagitan ng DA at ng Office of the Executive Secretary, ayon kay Guevara, pinaghahanda na ang agri department para sa tuluyang pagpapatupad nito.
Posibleng anumang araw aniya ay tuluyan na kasing pipirmahan ni Pang. Marcos ang bagong EO.
Sa pamamagitan ng price cap sa imported rice, umaasa ang DA na magkakaroon na ng kontrolado at abot-kayang bigas sa merkado.
Paliwanag ni Guevara, ang price cap ay hindi katulad ng maximum suggested retail price (MSRP) dahil istrikto itong ipapatupad sa buong bansa. (report by Bombo Jai)
















