Umapela si Senator Kiko Pangilinan ng province-by-province preparedness plan bilang paghahanda sa inaasahang epekto ng Super El Niño.
Kasama sa kaniyang panawagan ang pagtukoy sa bawat lalawigan lugar na may mataas na panganib sa drought at dry spell, available na irrigation water, mga pananim na nakatanim na, mga komunidad ng magsasaka at mangingisda na maaaring maapektuhan, at mga hakbang na dapat gawin bago pa magkaroon ng malawakang pagkalugi.
Hiniling din niya sa national government at mga local government unit na agahan ang paglalatag ng preparedness plan at huwag nang hintayin pang magsimula ang naturang weather phenomenon para gumawa ng akmang hakbang.
Sa ilalim ng naturang panawagan, inirekomenda ng senador sa Department of Agriculture (DA), National Irrigation Administration (NIA), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), atbpang ahensiya ng pamahalaan na gawing localized ang mga paghahanda laban sa epekto ng El Niño.
Kailangan din aniyang pabilisin ng DA at NIA ang pagkukumpuni at rehabilitation ng irrigation systems, lalo na sa drought-prone areas at tiyakin ang napapanahong pamamahagi ng drought-tolerant seeds at iba pang agricultural inputs.
Kasabat ng panawagan sa maagap na plano, hinimok din niya ang DA na magsagawa ng mabilis na assessment sa crop losses, affordable credit, insurance at recovery assistance kasunod ng apekto ng tagtuyot para hindi malubog sa utang ang mga magsasaka at mangingisdang mawawalan ng kita dahil sa El Niño.
















