-- Advertisements --

Itinuturing ni Senadora Nancy Binay na blessing in disguise na hindi na siya magiging bahagi ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte. 

Huling termino na kasi ni Binay bilang senador at nanalo naman bilang alkalde ng Makati City sa katatapos lamang na 2025 midterm elections. 

Sa pulong balitaan, sinabi ni Binay na kumporme siya na hindi na siya tatayong senator-judge sa paglilitis laban sa bise presidente sapagkat aniya ang proseso nito ay very divisive. 

Posibleng sa Hulyo o pagpasok ng 20th Congress simulan ang impeachment trial. Sa pagbubukas muli ng sesyon sa Hunyo 2, ipiprisinta naman ng prosecutors ang articles of impeachment at aaprubahan din ang revised rules of procedure ng impeachment trial. 

Samantala, sa Hunyo 3 magco-convene ang Senado bilang impeachment court. At pagdating ng Hunyo 4 ay dito na  papanumpain ang mga incumbent senator-judges. 

Ayon kay Binay, ang partisipasyon na lamang nila sa paglilitis ay pag-apruba ng rules na gagamitin ng impeachment court laban kay vp sara. 

Nang matanong si Binay kung malaki ang tiyansa na ma-acquit si VP sara, aniya, malaking epekto ang bilangan ng boto lalo’t ngayong eleksyon marami sa mga kaalyado ni Duterte ang nakapasok sa magic 12 senatorial race. 

Una rito, naipabatid na ni Senate President Francis “Chiz” Escudero kay House Speaker Martin Romualdez na handa na ang Senado na tanggapin ang House prosecution panel para sa pagbasa ng impeachment charges laban kay Duterte sa muling pagbubukas ng sesyon ng Kongreso sa Hunyo 2.

Ayon kay Escudero, sa susunod na araw, Hunyo 3, magco-convene ang Senado bilang isang impeachment court upang maglabas ng mga summons kaugnay sa paglilitis kay Duterte. 

Inaakusahan si Duterte ng panunuhol, katiwalian, korapsyon, at hayagang paglabag sa Konstitusyon kaugnay ng umano’y maling paggamit ng milyun-milyong halaga ng confidential funds ng Office of the Vice President at ng Department of Education, na kanyang pinamunuan mula 2022 hanggang 2024.