-- Advertisements --

Humiling ng imbestigasyon sa Kamara ang tatlong mambabatas mula sa Makabayan bloc kaugnay ng umano’y operasyon at koneksyon sa Pilipinas ng nahatulang sex offender na si Jeffrey Epstein.

Inihain nina Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago, ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio, at Kabataan party-list Rep. Renee Co ang House Resolution No. 762 na nananawagan sa House Committee on Public Information at House Committee on Women and Gender Equality na magsagawa ng imbestigasyon in aid of legislation.

Ayon kay Elago, may mga ulat mula sa “Epstein files” na nagsasabing kumuha umano si Epstein at ang kanyang mga associate ng PH-based team upang linisin ang kanyang online image matapos ang kanyang conviction. Aniya, posibleng nagamit ang mga Pilipinong empleyado at digital infrastructure sa pagtatakip ng sexual exploitation ng kababaihan at mga bata.

Layunin ng imbestigasyon na tukuyin ang lawak ng mga aktibidad at network ni Epstein sa bansa, kabilang ang mga ahensya o service providers na umano’y kanyang kinontrata. Saklaw din nito ang alegasyon ng media manipulation at reputation management na isinagawa mula sa Pilipinas.

Inaasahang magrerekomenda ang joint House panel ng mga panukalang hakbang upang maiwasang magamit ang Pilipinas bilang base ng mga internasyonal na krimen tulad ng sexual exploitation at human trafficking. (report by Bombo Jai)