Naisumite na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang ilang karagdagang dokumento na hinihingi ng International Criminal Police Organization (INTERPOL) ukol sa kaso ni dating House Appropriations Chairman Zaldy Co.
Maalalang hiniling ng Interpol ang supplemental documents mula sa PH government matapos hilingin ng Pilipinas ang paglabas ng red notice laban kay Co.
Ayon kay NBI spokesperson Palmer Mallari, nagawa nilang maisumite ang mga dokumento bago pa man ang deadline na ibinigay ng international organization.
Ang mga ito ay pinagsama-samang dokumento mula sa Department of Justice (DOJ), Office of the Ombudsman, at Sandiganbayan.
Nilinaw din ni Mallari na ang paghiling ng Interpol ng dagdag na dokumento ay isang ‘standard procedure’ at hindi indikasyon na kulang ang mga naunang submission na ginawa ng PH government.
Sa kasalukuyan aniya, nagpapatuloy pa rin ang NBI International Operations Division sa pagtukoy sa totoong kinaroroonan ni Zaldy Co sa tulong ng ibang mga bansa.
Ang red notice ay isang international alert na inilalabas ng Interpol para tukuyin ang kinaroroonan at arestuhin ang isang indibidwal na may extradition.
Bagaman hindi ito isang warrant of arrest, nagpapatunay ito na mayroong isang lokal na korte mula sa requesting country na naglabas ng warrant laban sa naturang indibidwal, dahilan kaya siya ay dapat maaresto.















