-- Advertisements --

Tiwala si dating Senate President Franklin Drilon na hindi uusad sa Senado ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte kung papalitan ng mayorya si Senate President Vicente Sotto III.

Aniya, tila paunang hakbang lamang ang mga reklamong impeachment para sa halalan sa pagkapangulo sa 2028.

Ayon Kay Drilon, na nagsilbi ring Senator-judge sa dalawang nakalipas na impeachment cases, kung mananatili si Sotto bilang Senate President, ipagpapatuloy niya ang trial sa sandaling maipasa ang reklamo sa Senado. Subalit kung papalitan siya, hindi na ito mangyayari.

Nagpahayag din si Drilon ng pag-asa na nakabatay sa ebidensya ang magiging desisyon ng mga Senador, at hindi sa politikal na konsiderasyon.

Inamin din niya na natural ang impluwensya ng politika sa impeachment process.

Sa kasalukuyan, tatlong bagong impeachment complaints ang kinakaharap ni VP Sara sa House of Representatives, matapos siyang unang ma-impeach noong Pebrero 5, 2025.

Hindi natuloy ang naunang trial sa Senado dahil idineklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang naunang Articles of Impeachment.