-- Advertisements --

Kinumpirma ni Interior Secretary Jonvic Remulla na nakipagpulong siya noong Huwebes kay Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan, kung saan iginiit niyang nakatuon ang talakayan sa pag-de-escalate ng tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China.

Nilinaw ni Remulla na hindi natalakay ang mga isyung teritoryal sa kanilang pulong. Sa halip, aniya, pinag-usapan ng dalawang panig ang mga paraan upang mapabuti ang bilateral relations, kabilang ang pagpapalawak ng cultural exchanges.

Dagdag pa niya, tinalakay rin ang umiiral na kooperasyon sa peace and order.

Nauna nang sinabi ng kalihim na plano niyang bumisita sa bayan ng Kalayaan sa Palawan, kasunod ng pahayag ng Chinese Embassy na ipinagbabawal ang pagpasok sa China ng ilang opisyal ng naturang munisipalidad. Binigyang-diin ni Remulla na personal niyang paninindigan ang pag-assert ng Philippine sovereignty.

Kinumpirma rin ng Chinese Embassy sa Maynila ang naturang pagpupulong sa pamamagitan ng isang social media post. Ayon sa embahada, nagpalitan ng pananaw ang dalawang panig hinggil sa pagpapalakas ng law enforcement cooperation at sa pagtiyak sa kaligtasan at legitimate rights and interests ng mga Chinese citizens na nasa Pilipinas. (report by Bombo Jai)