Planong kwestyunin ng Department of Justice ang desisyon ng isang korte nagpawalang sala kay former Negros Oriental Rep. Arnolfo ‘Arnie’ Teves Jr. sa kaso nitong ‘murder’.
Nitong nakaraan lamang kasi ay ibinasura ng Manila Regional Trial Court Branch 15 ang kasong murder laban sa dating mambabatas.
Ang naturang kaso’y may kinalaman sa koneksyon at pagkakadawit umano ni former Cong. Teves sa pagpatay kay Miguel Lopez Dungog, former Negros Oriental provincial board member, noong 2019.
Ayon kay Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, ang inisyung ‘acquittal’ ng korte ay bunsod sa sinasabing hindi umano sapat ang ebidensya laban sa dating mambabatas.
Kung kaya’t aniya’y posibleng ito ang naging dahilan kung bakit ibinasura ang kaso pati ang pagkakaroon ng isang testigo lamang nagtuturo kay Teves bilang mastermind sa krimen.
Dahil rito’y inihayag ng naturang opisyal na kanilang planong tutulan ang inilabas na desisyon ng korte ukol sa kasong isinampa laban kay former Cong. Teves.
Ibinahagi ni Prosecutor General Fadullon na kukwestyunin nila ito at pag-aaralan ang mosyon na isusumite, magsisilbing sagot o remedyo sa pasya ng husgado.
Partikular aniyang ihahain ng prosekusyon ang ‘motion for reconsideration’ upang muling mapabalikan sa korte ang kasong murder kontra sa dating mambabatas.
Sa kabila ng pagkakabasura sa isang kasong kinakaharap ni former Cong. Teves, hindi pa rin ito makalalaya sapagkat patung-patong na mga kaso ang nakabinbin pa sa korte.
Nahaharap sa kasalukuyan ang dating mambabatas sa mga kasong,
- – 10 counts of murder sa Manila RTC Branch 51
- – 13 counts of frustrated murder sa Manila RTC Branch 51
- – 4 counts of attempted murder sa Manila RTC Branch 51
- – 1 count of murder sa Manila RTC Branch 12
- – 1 count of murder sa Bayawan RTC Branch 63
- – Illegal possession of firearms and explosives sa Manila RTC Branch 12
- – Violation of the Terrorist Financing Prevention and Suppression Act sa Quezon City RTC Branch 77
















