Pormal nang sinimulan ang ika-51 na Metro Manila Film Festival at kasabay nito ang pagpapakilala sa unang apat na mga movie entries ngayong taon. Inaasahan na walong iba’t ibang pelikula ang lalahok para sa edisyon ngayon ng Film Festival.
Ang unang batch ng mga pelikulang napili ay base sa mga nagsumite ng script at nakitaan ng pagiging malikhain at kakayahan ng mga Pilipinong filmmaker.
Isa sa mga lalahok sa 2025 MMFF ay ang pelikulang “CALL ME MOTHER” kung saan bida si Vice Ganda at Nadine Lustre at sa ilalim ng direksyon ni Jun Robles Lana.
Kasama rin sa listahan ang “REKONEK” sa direksyon ni Jade Castro. Sina Gerald Anderson, Zoren Legaspi, Carmina Villaroel at kasama rin nila ang batikang aktres na si Gloria Diaz na lalahok sa naturang pelikula.
Si Piolo Pascual naman ang mangunguna sa pelikulang “MANILA’S FINEST” sa direksyon Rae Red.
At ngayong taon, magbabalik na ang “SHAKE, RATTLE, AND ROLL” series na EVILO ORIGINS.
Ito ay sa direksyon nina Shugo Praico, Joey De Guzman, at Ian Loreños. Kasama sa mga gaganap ang mga sikat na personalidad katulad nina Ivana Alawi, Fyang Smith, Carla Abellana, Marilyn Reynes, Janice de Belen, Francine Diaz, Richard Gutierrez, Ryan Bang, Seth Fedelin, Dustin Yu at marami pang iba.
Sa 23 na nagpasa ng pelikula sa Film Festival, 8 lamang kukunin upang maging official entries.
Ayon kay Artes, hakbang ito ng ahensya upang mas maayos na ma-cater ang mga pelikula sa mga sinehan at makapanood ang lahat ng Pilipino. Kaya naman, hinikayat din ni Artes na patuloy na suportahan ang walong pelikulang Pilipino na ipapalabas ngayong taon.
Samantala, para sa ngayong edisyon ng MMFF, ang lungsod ng Makati ang napiling host ng naturang film festival.
Tiniyak ni Makati City Mayor Nancy Binay na buong suporta silang makikiisa para rito.
Dagdag pa niya na patuloy pa rin ang kanilang koordinasyon pagdating sa mga discounts na maaaring makuha ng mga senior citizens at mga students sa panonood ng mga entries ng 51st Manila Film Festival.
Ang unang batch ng pelikula ay bahagi ng walong opisyal na entry sa MMFF 2025 na ipapalabas sa mga sinehan sa buong bansa simula Disyembre 25, araw ng Pasko.
Ang natitirang apat na pelikula ay pipiliin mula sa mga ganap nang natapos na pelikula na kailangang maisumite bago o sa Setyembre 15.