Inamin ng suspek na sangkot sa pamamaril sa isang basketball court sa Marcelo Green, Parañaque City na matagal na siyang naiinis sa ingay at pang-aasar umano ng ilan sa mga biktima sa kanilang condominium unit.
Ayon sa ulat, naaresto ang 59-taong-gulang na gunman sa isang unit sa Barangay Moonwalk sa isang hot pursuit operation ng National Capital Region Police Office (NCRPO). Ang unit ay pag-aari ng asawa ng suspek.
Sinabi ng suspek na ilang beses na siyang nagrereklamo sa ingay ng biktima sa itaas ng kaniyang unit, ngunit hindi umano tumigil ang ingay at ang pang-aasar.
“Nag-iingay ho, tapos nag-iinuman sila roon eh. Nagtatawanan tapos kung anu-ano ang sinasabi,” paliwanag ng suspek.
Batay sa CCTV footage, bumaba ang suspek sa basketball court at binaril ang 52-taong-gulang na biktima, na siyang pangunahing target, pati na rin ang iba pang tao sa court. Isa sa mga biktima ang namatay habang ang iba ay nasugatan.
Sinabi rin ng suspek na pinilit niyang depensahan ang sarili habang nagpapaputok sa loob ng court.
Matapos ang insidente, tumakas ang suspek gamit ang payong at maskara.
Nakumpiska sa kanya ang dalawang 9mm baril, apat na magasin, at mga bala.
Iniimbestigahan din ng pulisya ang condominium management at security guard kung may kinalaman sa pangyayari.
Kasama sa imbestigasyon kung paano nakakuha ang suspek ng lisensiya sa isa pang baril kahit may kasong homicide noong 2012. Na-inquest ang suspek para sa dalawang bilang ng murder at multiple frustrated murder.
“Nagsisisi at hindi ko ginusto iyon. Na-provoke lang ako dahil sobrang nakakapikon talaga ‘yung ginagawa nila,” pahayag pa ng suspek.
















