Posibleng mapunta na sa pamahalaan ng lungsod ng Makati ang buong pagmamay-ari ng Makati City Subway Inc. (MCSI), ayon kay dating Makati Mayor Abigail “Abby” Binay-Campos, matapos ang arbitral proceedings sa Singapore International Arbitration Centre (SIAC).
Ngunit kinuwestiyon ng bagong halal na alkalde na si Nancy Binay ang isang “midnight settlement” na pinasok ng nakaraang administrasyon pitong araw bago ang pagtatapos ng kanilang termino.
Nakasaad kasi sa kasunduan na nag bayad umano ang Makati ng P8.96 billion sa private partner na Philippine InfraDev Holdings Inc. sa loob ng 90-araw matapos ang pinal na desisyon ng SIAC.
Ayon kay Binay-Campos, ang settlement ay magbibigay ng buong pag-aari ng MCSI na may halagang $1.6 billion, kabilang ang mga lupa at assets, kapalit ng $160 million bilang kabayaran sa aktuwal na gastos ng InfraDev sa proyekto. Inaprubahan umano ito ng auditing firm na PricewaterhouseCoopers (PwC).
Ngunit sinabi ni Mayor Nancy Binay na maaaring malagay sa panganib ang pampinansyal ng lungsod, lalo’t ang proyekto ay kanselado na matapos mawalan ng bisa ang ilang bahagi ng subway dahil sa desisyong inilabas ng Korte Suprema na naglipat ng ilang mga barangay sa Taguig.
Kung kaya’t iniiutos na ni Mayor Binay ang paghahain ng opisyal na posisyon ng lungsod sa SIAC at maglabas ng executive order para bumuo ng fact-finding committee upang imbestigahan ang lahat ng public-private partner projects na pinasok ng nakaraang pamahalaan.
Magugunita na ang Makati Subway Project, na sinimulan noong 2018, ay planong magkaroon ng 10-kilometrong subway mula EDSA-Ayala hanggang Ospital ng Makati, na inaasahang makakatulong sa 700,000 pasahero kada araw at makakabawas ng 270,000 sasakyan sa lungsod.
Subalit natigil ito noong 2022 dahil sa isyu sa paglilipat ng mga barangay tulad ng Cembo, Comembo, East Rembo, Pembo, Pitogo, Post Proper Northside, Post Proper Southside, Rizal, South Cembo, West Rembo, at Fort Bonifacio sa Taguig City.