-- Advertisements --

Sinimulan na ng Intramuros Administration (IA) ang pag-proseso para i-terminate ang kontrata ng JSL Security Agency, ang kumpanyang may ahawak sa dalawang security guards na viral habang binubugbog ang isang 17-anyos na batang lalaki sa Pasig River Esplanade sa Intramuros, Manila, noong Linggo ng gabi, Pebrero 8.

Ayon sa IA, ang hakbang ay kasunod ng utos ni Isko para sa full-scale investigation laban sa mga akusado.

Sa kanyang live program sa social media iniharap ni Isko ang dalawang akusado sa pamilya ng binugbog na menor de edad kung saan iginiit nito na ang mga private security personnel ay hindi awtorisadong mag-patrol o magpatupad ng batas sa kalye o anumang pampublikong lugar, na saklaw ng Philippine National Police (PNP).

”Kung mali na ‘yung bata, ‘di sana dahil menor de edad, ano ba naman ‘yung tinawag nyo sa pulis. Binurin nyo ‘yung iskandalong ginawa niyo…eh dayuhin ng tao ‘yan, hirap na hirap na ngang buhatin ang Maynila,” ani Isko.

Base sa paunang imbestigasyon ng Manila Police District (MPD), sakay ng kanyang bisikleta ang biktima habang nasa esplanade, kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang pagbibisikleta.

Nang tumangging sumunod ang bata, nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa pagitan niya at ng mga security guards.

Matapos ang maikling pag-uusap ay binalewala umano ito ng menor de edad kung kaya’t hinabol ito ng mga guwardiya at nagkaroon muli ng sagutan.

Inawat ng mga tauhan ng Tourist Police and Intramuros PCP ang insidente at inaresto ang dalawang guwardiya.

Dinala naman sa Metropolitan Medical Center Hospital ang biktima kung saan ito nagpapagaling na ayon sa lolo ng biktima ay puro sa ulo umano ang tama.

Ngunit depensa ng dalawang security guard nagawa lang daw nila ito dahil sa ”bugso ng damdamin” pagtapos umano silang pagsalitaan ng hindi maganda ng menor de edad.

Mahaharap naman ang dalawang security guard sa mga kasong physical abuse sa ilalim ng R.A. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.