Beat the heat ngayong tag-init!
Kasabay ng nararanasang mainit na panahon, masayang ibinahagi ni Manila Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso ang kanyang paanyaya sa publiko na magtampisaw o sulitin ang mga pampublikong swimming pool sa lungsod.
Alinsunod sa direktiba ng alkalde, bukas sa lahat ang mga palanguyan sa anim na distrito sa lungsod ng Maynila na siyang hatid ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Mayor Isko Moreno, layon aniya nila rito na mabigyan pagkakataon ang mga batang Maynila na magkaroon ng ligtas na mapaglalanguyan habang katirikan o mainit ang panahon.
Saad ng alkalde na ang lahat ng mga pinabuksan pampublikong swimming pools sa Maynila ay walang hinihinging bayad at libre sa publiko.
Kung kaya’t niyaya niya ang mga bata na imbes maligo at magtampisaw sa mga swimming pools na itinatayo sa kalsada, sa Manila Public Swimming Pools na lamang raw magsipagpunta.
Sa pamamagitan aniya nito’y maiibsan ang pag-aalala ng mga magulang sa kani-kanilang mga anak na nais lamang magtampisaw ngayong tag-init.
Matatagpuan ang mga pampublikong swimming pool sa lungsod ng Maynila sa bahagi ng Tondo, Sta. Cruz, Sampaloc, Pedro Gil, Paco at Pandacan.
Paalala naman ni Mayor Isko Moreno na mayroon mga panuntunan ipatutupad hinggil sa limitasyon o bilang na maaring papasukin upang mag-swimming.
Habang pabirong paalala pa ni Mayor Isko lalo na sa mga batang maliligo at magtatampisaw sa mga swimming pool na ugaliin gumamit ng CR.















