Positibong inanunsyo ni Manila Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso na aabot sa halos isang milyon pasahero ang nakinabang sa inilunsad na programang libreng sakay sa lungsod.
Batay sa tala ng Manila Traffic and Parking Bureau, nasa 931,831 ang kabuuang bilang ng pasahero ang naserbisyuhan ng programa.
Ito’y mula nang pasimulan noong Lunes Santo, Marso 30 at 31, na itinuloy naman ng Abril 6, 7, at 8.
Kung saan sa bawat araw ay binigyan ang mga tsuper o kalahok sa programa ng tig-apat na libong piso.
Subalit pahayag ni Mayor Isko Moreno na ito’y ihihinto muna sa kasalukuyan matapos ang halos isang linggo implementasyon.
Paliwanag ng alkalde na ito’y sa kadahilanang magsasagawa pa muna ang pamahalaang lungsod ng pagg-aaral o ‘assessment’ sa inilunsad na programa.
“Wala muna pong extension sa ating Libreng Sakay sa ngayon, sapagkat magsasagawa muna ang pamahalaang lungsod ng assessment sa naging takbo at epekto ng programa,” ani Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso.
Gayunpaman, hinimok niya ang publiko na huwag mag-alala sapagkat maghahanap umano sila ng mga paraan para makatulong sa gitna ng krisis sa gasolina.














