Tinutulan ni Senador Bam Aquino sa isang online post na i-ban ang online games na hindi nakikipagtulungan sa imbestigasyon kaugnay ng pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City, noong Hunyo 22.
Iminungkahi ni Aquino, Committee Chairman ng Basic Education, na sa halip na tuluyang i-ban ang online games ay mas marapat na pagtuunan na lamang ng pansin ang mga hakbangin sa ilalim ng “School Safety Act.”
Kinasasangkutan ng dalawang menor de edad ang nasabing madugong insidente. Bunsod nito, maglulunsad ng imbestigasyon ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality na pinamumunuan ni Sen. Risa Hontiveros.
Isa sa inimbitahan ni Hontiveros, ang developer ng German-based online game na GoreBox upang humarap sa isasagawang Senate hearing sa darating na July 1 ngunit tumanggi itong dumalo.
Nilalayon sana ng pagdinig na siyasatin ang ‘di umano’y paggamit sa online platforms at gaming spaces para mag-groom, magmanipula, at mag-radicalize ng mga bata para gumawa ng karahasan.
Samantala, tiniyak naman ng game developer sa kanilang inilabas na opisyal na tugon na handa silang makipagtulungan sa naturang imbestigasyon, bagamat hindi sila makakarating sa mismong pagdinig sa Senado.
Kaugnay nito, humingi ng karagdagang tulong si Hontiveros sa German Embassy to the Philippines dahil sa pagtangging ito, at binalaan ang pamunuan ng laro na maaari rin silang managot kung hindi sila makikipagtulungan sa imbestigasyon.
















