-- Advertisements --

Kinondena ng Philippine Coast Guard (PCG) ang naging pangha-harass ng China Coast Guard (CCG) na nakaantala sa medical evacuation ng isang tauhan ng Philippine Navy mula sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal kahapon, Oktubre 8.

Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, halos sampung oras bago natapos ang medical evacuation dahil sa mga kilos ng mga barko ng China Coast Guard laban sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas.

Aniya, karaniwang isang oras lamang ang itinatagal ng ganitong operasyon.

Tinawag naman ni Tarriela na “barbaric behavior” ang ginawa ng Chinese Coast Guard, dahil aniya, tila hindi isinasaalang-alang ng mga ito ang buhay at kaligtasan ng ibang tao at sa halip ay nakatuon lamang sa kanilang mga pag-aangkin sa pinag-aagawang karagatan.

Binigyang-diin ng opisyal na hindi hahadlangan ng Pilipinas ang anumang operasyon ng pagsagip o pagbibigay ng tulong sa mga dayuhang nangangailangan ng saklolo sa dagat, anuman ang kanilang nasyonalidad.

Sinabi niyang tungkulin ng Coast Guard ang pagtulong sa mga taong nasa panganib, alinsunod sa mga internasyonal na kasunduan gaya ng International Convention for the Safety of Life at Sea o SOLAS at United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS.

Giit ni Tarriela, hindi dapat manaig ang mga usaping geopolitikal at pag-aagawan sa teritoryo kapag nakataya ang kalusugan at buhay ng mga sundalo at mangingisda.

Matatandaang hinarang ng China Coast Guard ang mga tauhan ng PCG habang isinasagawa ang medical evacuation sa sundalong Pinoy.

Nagpakawala ng water cannon ang barko ng CCG habang papalapit ang BRP Cabra sa Ayungin Shoal.

Gayunman, hindi tinamaan ng tubig mula sa water cannon ang barko ng Philippine Coast Guard.