-- Advertisements --

Itinitulak ni Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino IV ang pagpasa ng Senate Bill No. 267 upang itaas ang taunang income tax exemption threshold mula ₱250,000 tungong ₱480,000.

Layunin ng panukalang ito na mapataas ang maiuuwing sahod o take-home pay ng milyun-milyong manggagawang Pilipino sa gitna ng mataas na presyo ng mga bilihin.

Sa ilalim ng panukalang batas, lahat ng manggagawa na kumikita ng hanggang ₱480,000 kada taon o humigit-kumulang ₱40,000 kada buwan ay hindi na kakaltasan ng income tax.

Nilalayon nitong baguhin ang kasalukuyang sistema sa ilalim ng TRAIN Law (Republic Act No. 10963), kung saan ang mga kumikita lamang ng hanggang ₱250,000 ang libre sa buwis.

Dahil halos isang taon nang nakabinbin ang bill mula nang ihain ito noong Hulyo 8, 2025, hinimok ng senador ang Kongreso na gawin itong priority legislation sa muling pagbubukas ng sesyon.

Ayon kay Aquino, hindi na makatwiran ang kasalukuyang limitasyon dahil lumiit na ang halaga ng kita ng mga mamamayan o purchasing power dulot ng patuloy na inflation.

Ang matitipid na pera mula sa buwis ay magagamit ng mga pamilya para sa mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, kalusugan, at edukasyon.

Naniniwala ang senador na ang mas mataas na disposable income ay magpapalakas sa consumer spending na makatutulong din sa lokal na ekonomiya.