Agad na naaksyunan ng mga awtoridad ang isang umano’y banta ng panibagong pag-atake sa isang paaralan sa Leyte matapos makatanggap ng impormasyon ang Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, nakatanggap siya ng impormasyon mula kay Senator Bam Aquino noong Miyerkules ng gabi tungkol sa isang kumakalat na banta online na may posibleng mangyaring mass shooting sa Leyte.
Agad na ipinasa ng DILG ang impormasyon sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
Ayon sa PNP-CIDG, nakatutok umano ang banta sa Tolosa National High School sa Leyte. Natukoy ng mga awtoridad ang pinagmulan ng mga post sa social media mula sa isang 14-anyos na Grade 10 na estudyante.
Gumawa umano ang estudyante ng ilang Facebook account at nag-post ng mga mensaheng nagbabala ng pananakit sa loob ng paaralan. Kumalat ang mga post online at nagdulot ng pangamba sa mga estudyante, magulang, at residente.
Sinabi ng DILG na nabura na ang mga naturang post matapos makipag-ugnayan ang mga awtoridad sa estudyante.
Matapos ang imbestigasyon, sinabi ng PNP-CIDG na wala silang nakitang ebidensya na may hawak na baril ang estudyante, o may iba pang taong sangkot sa isang organisadong plano ng pag-atake.
Dahil dito, sinabi ng DILG na itinuturing nang neutralized o napigilan ang banta.
Sinusuri rin ng mga awtoridad kung maaaring may kaugnayan ang ginawa ng estudyante sa naganap na pamamaril kamakailan sa San Jose National High School sa Tacloban City.
Samantala, sinabi ni Secretary Remulla na hindi kakasuhan ang 14-anyos na estudyante dahil sa umiiral na batas para sa mga menor de edad. Sa halip, mananatili ito sa pangangalaga ng kanyang pamilya.
Muling nanawagan ang DILG sa publiko na agad ireport ang anumang banta ng karahasan upang maagapan ito bago pa magkaroon ng pinsala.















