Isusulong ni Senador Bam Aquino ang paglalabas sa publiko ng lahat ng ebidensyang ihaharap sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte upang maging mas bukas at transparent ang proseso para sa taumbayan.
Ayon kay Aquino, maghahain siya ng mosyon sa unang linggo ng paglilitis upang hilingin na isapubliko ang lahat ng ebidensyang ihaharap ng magkabilang panig.
“Sa unang linggo, magpa-file po tayo ng motion to release all presented evidence to the public,” ani Aquino sa isang video statement.
Iginiit ng senador na mahalagang mabigyan ng pagkakataon ang publiko na masubaybayan ang mga ebidensya upang makabuo ng sariling pagsusuri at hindi umasa sa mga maling impormasyon.
Binigyang-diin din niya na ang impeachment ay isang seryosong prosesong itinatadhana ng Konstitusyon at hindi basta-basta maaaring magpatalsik ng isang halal na opisyal dahil kinakailangan ang boto ng dalawang-katlo ng lahat ng senator-judges.
Kasabay nito, hinikayat ni Aquino ang publiko na bantayang mabuti ang mga pagdinig at sinabi niyang gagamitin din ang kanyang social media platforms upang makuha ang mga tanong at isyung nais malaman ng mga mamamayan tungkol sa paglilitis.
Nangako rin si Aquino na mananatiling walang kinikilingan bilang senator-judge at boboto lamang batay sa mga ebidensyang ihaharap sa impeachment court.
“Ito po ang aming pangako. Hihimayin namin ang ebidensya. Sisiguraduhin namin na magiging patas ang paglilitis. Walang kulay, walang kaibigan, walang kaaway. Boboto po tayo ayon sa ebidensya,” ani Aquino.
















