Tatlong lagda na lamang ang kulang sa kinakailangang siyam upang maiakyat na sa plenaryo ang partial committee report ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng imbestigasyon sa maanomaliyang flood control projects, ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson.
Kabilang sa pumirma na sa partial committee report sina Senate President Vicente Sotto III, Commiittee Chair Sen. Ping Lacson, Vice Chairman Erwin Tulfo, Sen. Bam Aquino, Sen. Risa Hontiveros, at Sen. Kiko Pangilinan.
Bagama’t hindi miyembro ng komite, pinayagan si Sotto na lumagda bilang ex-officio.
Ayon kay Sen. Lacson, may dalawa pang Senador na nagpahayag ng kahandaang lumagda.
May ilang miyembro naman ang nag-aatubiling pumirma o bumawi ng lagda dahil umano sa “pakiusap” ng kanilang dating mga kasamahan sa majority bloc.
Gayunpaman, iginiit ni Sen. Lacson na hindi niya pipilitin ang sinuman, habang handa naman si SP Sotto na tumulong upang makakuha ng dagdag na suporta.
Matatandaan, nauna nang sinuspinde ang mga pagdinig sa naturang isyu dahil ayon kay Lacson, walang saysay ang pagpapatuloy nito kung walang maipapakitang committee report at taliwas ito sa mga patakaran ng Senado.















