Tiniyak ng Palasyo ng Malacañang na hindi maaantala ang mga proyekto at operasyon ng pamahalaan sa gitna ng impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, tuloy ang trabaho ng ehekutibo sa kabila ng anumang isyu at hindi nila papayagan na maantala ang mga programa ng administrasyon dahil sa mga “obstructionists.”
Sa panig ng Senado, iginiit ng Malacañang na may sariling mandato ang mga senador bilang impeachment court at mambabatas, at inaasahang tatapusin nila ang kanilang tungkulin.
Umaasa rin ang Palasyo na hindi na magkakaroon ng pagbo-boycott sa mga sesyon.
Samantala, sa usapin ng umano’y pagkakahati-hati ng publiko dahil sa impeachment, sinabi ng Malacañang na ang layunin ng transparency at accountability ay para sa taumbayan at hindi dapat magdulot ng pagkakawatak-watak.
Ayon pa kay Castro, ang tunay na sanhi ng pagkakahati-hati ay ang fake news at pagtatangkang itago ang mga ebidensiya.
Dagdag pa ng Palace official, mas makakamit ang pagkakaisa kung lalabas ang katotohanan at magiging mapanuri ang publiko sa mga impormasyon.
















