May libreng sakay sa LRT-2 ngayong araw ng Huwebes, Oktubre 1, para sa mga biyaherong may National ID.
Isinagawa ang naturang programa ng Philippine Statistics Authority o PSA bilang bahagi ng mga aktibidad para sa pagdiriwang ng National Statistics Month.
Saklaw ng libreng sakay ang mga pasaherong makapagpapakita ng kanilang physical National ID, printed o paper-format National ID, at Digital National ID.
Maaari itong samantalahin sa mga oras ng dagsa ng pasahero, mula alas-7 hanggang alas-9 ng umaga at alas-5 hanggang alas-7 ng gabi.
Hindi na rin kailangang magbayad ng pamasahe ang mga kwalipikadong pasahero sa mga nabanggit na oras, basta’t maipapakita ang alinman sa mga tinatanggap na bersyon ng National ID.
Ayon sa PSA, bahagi ito ng kanilang kampanya upang ipakita ang kahalagahan ng National ID system at ng opisyal na datos sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaan.
Ngayong Oktubre ipinagdiriwang ang ika-37 National Statistics Month na may temang nakatuon sa paggamit ng statistics para sa isang inklusibo, matatag at napapanatiling turismo.
Inaasahan namang magpapatuloy ang iba pang aktibidad ng PSA sa buong buwan bilang bahagi ng naturang selebrasyon.










