-- Advertisements --

Ilang dating at kasalukuyang senador ang mariing itinanggi ang akusasyon na sila ay nakinabang mula sa umano’y iregular na flood control projects, matapos silang pangalanan ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.

Kabilang sa mga binanggit ni Bernardo sina dating Senador Grace Poe, Nancy Binay, at Sonny Angara, na umano’y tumanggap ng kickback mula sa mga proyekto.

Pinabulaanan ni Angara ang alegasyon at iginiit na wala siyang kinalaman sa anumang anomalya.

Si Poe naman ay nagpahayag ng pagkadismaya sa pagkakasama ng kaniyang pangalan sa listahan at naniniwala siyang dapat ibasura ng Department of Justice ang naturang akusasyon.

Samantala, itinanggi rin ni Binay ang anumang kaugnayan sa flood control projects at binigyang-diin na wala siyang papel o partisipasyon sa mga naturang proyekto.

Bukod sa kanila, binanggit din ni Bernardo si Sen. Mark Villar na umano’y sangkot sa naturang usapin.

Gayunman, mariin ding itinanggi ni Villar ang alegasyon at sinabing walang katotohanan ang mga pahayag laban sa kaniya.

Ang flood control projects ay naging sentro ng imbestigasyon ng Senado matapos lumabas ang mga impormasyon ng malawakang katiwalian.