Tiniyak ni Senador Sherwin Gatchalian na mapapabilis ang pagpapatayo ng mga silid-aralan sa ilalim ng 2026 national budget.
Ayon sa enrolled budget measure, P85 bilyon ang inilaan para sa konstruksyon at rehabilitasyon ng classrooms.
Sa naturang halaga, malaking bahagi ang nakatuon sa pagtatayo, pagpapalit, at pagkumpleto ng mga gusali mula kindergarten hanggang sekondarya, pati na rin mga tech-voc laboratories.
Giit ni Gatchalian, hindi lamang mas malaking pondo ang inilaan kundi tiniyak din ang mas mabilis na implementasyon sa tulong ng iba’t ibang sektor.
Binibigyan ng budget ang Department of Education (DepEd) ng kalayaan sa pagpili ng mga pamamaraan ng konstruksyon, kabilang ang public-private partnership.
Maaari ring makipag-MOA ang DepEd sa Department of Public Works and Highways (DPWH), mga kwalipikadong LGUs, CSOs, NGOs, at AFP Corps of Engineers.
Layunin ng hakbang na ito na sabay-sabay na maisakatuparan ang mga proyekto sa iba’t ibang panig ng bansa upang matugunan ang backlog sa pasilidad ng edukasyon.
















