-- Advertisements --

Tinawanan lamang ni dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio ang huling pahayag ni Sen. Rodante Marcoleta na ukol sa umano’y pagiging ‘guilty of treason’ ng dating mahistrado.

Kung babalikan ay mistulang kumambiyo si Marcoleta sa kaniyang naunang pahayag na sasampahan niya ng kasong treason ang dating mahistrado dahil sa kaniyang isinulat na desisyon sa kasong Magallona vs. Ermita noong 2011 ukol sa territorial waters ng Pilipinas.

Katwiran ni Marcoleta, hindi na niya kailangang sampahan ng kasong treason ang dating mahistrado dahil guilty na siya sa naturang kaso.

Hindi naman maisawan ni Justice Carpio na pagtawanan ang tinuran ni Marcoleta.

Ayon sa dating mahistrado, mistulang gusto ni Marcoleta na umakto bilang complainant, prosecutor, at judge dahil sa kaniyang mga pahayag.

Tanong ni Carpio, paano magkakaroon ng ‘intelligent debate’ laban sa isang indibidwal na katulad ni Marcoleta?

Binalikan ng dating Supreme Court justice ang pagtanggap niya sa naunang hamon ni Marcoleta na debate ukol sa West Philippine Sea kung saan ipinunto niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng tiyak at partikular na paksa upang maging maayos at intelihente ang debate.

Nananatili ring bukas ang dating mahistrado na kung gusto ni Marcoleta na pag-usapan ang lahat ng salik na bumabalot sa WPS, maaari nila itong isagawa bilang serye ng debate, ngunit kailangang magsimula lamang muna sa unang katanungan ni Marcoleta noon: una ay kung may West Phil. Sea’ at pangalawa ay kung saklaw ba ng soberanya ng Pilipinas ang mga isla at bahurang nakapaloob sa Kalayaan Island Group kahit ang mga ito ay nasa labas na ng Exclusive Economic Zone ng Piilipinas.