-- Advertisements --

WARNING! (SENSITIVE REPORT ABOUT SUICIDE)

Isiniwalat ng abogado ni dating DPWH USec. Catalina Cabral na unang tinangka ng kaniyang kliyente na magpatiwakal sa kaniyang bahay sa gitna imbestigasyon sa maanomaliyang flood control projects.

Ayon kay Atty. Mae Divinagracia, ang unang suicide attempt ni Cabral ay nangyari ilang araw matapos ang pagdinig kung saan idinawit ang kaniyang pangalan ni dating DPWH USec. Roberto Bernardo.

Dito, inakusahan ni Bernardo si Cabral ng pagkontrol umano sa National Expenditure Program ng DPWH sa ilalim noon ng liderato nina dating DPWH Secretaries Mark Villar at Manuel Bonoan.

Aniya, tinangka ng dating opisyal na saktan ang kaniyang sarili gamit ang kutsilyo subalit nagawa siyang pigilan ng kaniyang anak na babae at naagaw ang patalim mula sa kaniya. Tumalon din aniya si Cabral sa hagdan ng kanilang bahay.

Inilarawan ng abogado ang unang pagtatangka ni Cabral na tapusin ang kaniyang buhay bilang “tipping point” na nag-ugat aniya nang siya ay tanggalin sa pwesto, na idinaan sa courtesy resignation.

Ayon sa abogado, hiniling umano kay Cabral na magsumite ng kaniyang resignation sa gitna ng imbestigasyin matapos ang 40 taong pagsisilbi niya sa DPWH at pinagkaitan ng kaniyang retirement pay.

Sa mismong araw din ng pagkamatay ni Cabral, dalawang beses siyang bumaba sa sasakyan sa may Kennon Road at kaniyang sinuri ang taas at lalim ng bangin, base na rin sa salaaysay ng kaniyang driver.

Naobserbahan din aniyang dumaranas ng depresyon ang dating opisyal dahil sa kawalan ng ganang kumain at tinatawagn din aniya ang abogado para talakayin ang mga bagay na napag-usapan na umano.

Hindi aniya na-diagnose ang dating opisyal dahil tumanggi itong humingi ng professional help dahil ayaw niyang magkaroon ng rekord na dumaranas siya ng mental illness.

Matatandaan, pumanaw si Cabral noong Disyembre 18 matapos matagpuan ang kaniyang labi sa isang bangin sa may Kennon Road, Tuba, Benguet.