Iisa na namang iligal na pagawaan ng sigarilyo ang nadiskubre ng mga otoridad sa bayan ng San Simon, Pampanga, kung saan nasabat ang mahigit ₱70 milyong halaga ng kontrabando.
Ayon sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ikinasa ang operasyon sa Golden 999 Business Park sa Brgy. San Pablo Libutad matapos makatanggap ng validated information mula sa isang concerned citizen.
Nangyari ang pagsalakay ilang oras lamang matapos bumisita ang matataas na opisyal ng PNP, DILG, at Bureau of Customs sa isa pang iligal na pagawaan sa parehong bayan.
Bumulaga sa mga operatiba ang sako-sakong pekeng sigarilyo na may mga tatak na DELTA, MODERN, HP, at NEW ORLEANS.
Sa kabuuan, tinatayang aabot sa ₱70,140,000 ang halaga ng mga nakumpiskang produkto.
Napag-alaman din sa imbestigasyon na bigong makapagpakita ng kaukulang dokumento ang pasilidad, partikular na ang Business Permit mula sa lokal na pamahalaan, na nagpapatunay na iligal ang operasyon nito.














