Isinusulong ngayon ni Akbayan Partylist Representative Jose Manuel ‘Chel’ Diokno ang pagsailalim sa audit ng mga proyektong hinawakan ng mga contractors na nasa ilalim ngayon ng Witness Protection Program (WPP).
Ani Diokno, layon nitong malalimang suriin kung gano kalaking pondo ang inilaan sa mga proyekto na ito at kung gaano kalaki ang nakuha ng mga ito mula sa public funds.
Magugunita kasing apat na mga kontraktors ang inilagay sa ilalim ng WPP na kinilala bilang sina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Usec. Roberto Bernardo, dating DPWH Bulacan First District Engr. Henry Alcantara, DPWH Engr. Gerard Opulencia at ang kontraktor na si Sally Santos na siyang nagmamay-ari ng SYMS Construction Trading.
Paliwanag ni Diokno, bago pa dapat inilagay ang mga ito sa ilalim ng protection program ay nakuha na mula sa mga ito ang kanilang mga electronic devices na posible aniyang naglalaman ng mga impormasyon ng mga proyektong kanilang hinawakan at makikita rin aniya rito ang mga naging ka-konchaba ng mga ito sa pag-magic umano sa mga proyekto.
Aniya, kung talagang buo ang kanilang pakikiisa at kooperasyon sa imbestigasyon sa mga anomalyang bumabalot sa flood control scandal ay dapat lahat ng alam nila hinggil dito at maging sa iba pa aniyang mga infrastructure projects ay inillabas at ibinubulgar na nila sa ngayon.
Dagdag pa ng kongresista, kung sino ang mga sangkot sa anomalya na nasa kanilang kaalaman at dapat din nilang sabihin ng buo sa Department of Justice (DOJ) at itestigo sa korte.
Samantala, magugunita naman na matapos na mailagay sa protection program ang apat na kontraktor ay nagbalik na rin ng halos milyon-milyong salapi sina Alcantara at Opulencia bilang pagpapakita ng kanilang buong kooperasyon sa imbestigasyon.
















