Tiniyak ni Department of Public Works and Hghways (DPWH) Secretary Vince Dizon sa mga Pilipino ang dekalidad at makatarungang presyo ng infrastructure projects sa susunod na taon.
Ginawa ng kalihim ang pagtitiyak sa gitna ng galit ng publiko sa nabunyag na ghost o ‘di naman kaya ay substandard na flood control projects na pinondohan ng limpak limpak na salapi.
Nangako si Sec. Dizon na magtatayo ang DPWH ng mga tulay, kalsada, ospital at mga paaralan na nasa tamang presyo nang hindi nakokompromiso ang kalidad at kaayusan ng mga ito.
Prayoridad aniya ng ahensiya na tularan ang kanilang nagawa sa kasagsagan ng mga nagdaang bagyo at lindol.
Tinutukoy ng kalihim ang inilunsad kamakailan na Piggatan Detour Bridge sa Alcala, Cagayan, na nakumpleto sa loob lamang ng 60 araw, gayundin ang ni-repair na Cebu Provincial Hospital sa Bogo City, Cebu at paglalagay ng smart houses para sa mga residente matapos tumama ang malakas na magnitude 7.6 na lindol na kumitil ng 79 na katao noong Setyembre 30.














