-- Advertisements --

Itinanggi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang alegasyon laban sa kaniya na pagsingit ng pondo para sa flood control projects sa ilalim ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA).

Sa isang statement, pinabulaanan ni Dizon ang mga paratang ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste bilang walang basehan at malisyosong alegasyon kaugnay sa umano’y insertions o allocables.

Aniya, ang BCDA na dati niyang pinangasiwaan ay naglabas na ng paglilinaw kaugnay sa naturang usapin at iginiit na walang flood control projects ang pinondohan sa pamamagitan ng budget insertions, allocable funds o anumang discretionary source.

Kinuwestyon din ng ahensiya ang timing ng mga alegasyon ng mambabatas, kung saan binanggit nito ang kamakailang mga ulat mula sa isang DPWH staff na pwersahan umanong kinuha ni Leviste ang mga dokumento at kinopya ang files mula sa computer ni dating DPWH USec. Catalina Cabral at inilipat sa kaniyang sariling flash drive, bagay na nauna naman ng pinasinungalingan ng mambabatas.

Matatandaan, kamakailan lang din inilabas ni Leviste ang umano’y summary file ng 2025 DPWH budget na umano’y ibinigay sa kaniya ni Cabral noong ito ay nabubuhay pa.