-- Advertisements --

Pumalo sa mahigit 1,100 pasahero ang na-stranded sa iba’t ibang pantalan sa Central Visayas nitong Biyernes, dahil sa bagyong Basyang.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), mula alas-8 ng umaga hanggang 12 ng tanghali, apektado ang 1,153 pasahero, pati na rin ang 536 rolling cargoes, 66 na mga barko, at isang motorbanca.

Ang bilang na ito ay mula sa hindi bababa sa 30 pantalan at anchorage areas sa buong rehiyon habang sumilong naman sa ligtas na lugar ang nasa 115 na barko at 2 motorbanca.

Samantala, sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay weather specialist Jhomer Eclarino, sinabi nito na inaasahan ang pag landfall ng bagyo sa southern Cebu ngayong gabi bago tatawid sa isla ng Negros.

Ayon kay Eclarino, maituturing pa ring kritikal ang mga oras na ito hangga’t hindi pa nakatawid ang bagyo sa kalupaang sakop ng rehiyon.

Dagdag pa niya, hindi lamang ang sentro ng bagyo ang kanilang binabantayan, kundi pati na rin ang mga lugar sa labas ng sentro, tulad ng northern Cebu na nakaranas din ng mga paminsang malalakas na ulan.

Paglilinaw pa niya na wala ng nakikitang reintensification na mangyayari at magiging tropical depression na lamang ang bagyo sa susunod na 48 na oras bago maging isang Low Pressure Area.

“So, wala na tayong nakikitang chance na babalik pa ito sa signal number 2. So ngayong hapon nuntil this evening ang nakikita nating pagtawid ng bagyon dyan sa may southern part ng Cebu,” saad ni Eclarino.

Dagdag pa niya,” Ibig sabihin, dyan sa mga municipalities under the southern part of Cebu. So, kritikal pa ngayong oras hanggang mamayang gabi dahil hindi pa nakakalagpas o nakatraverse itong bagyo sa Cebu o sa southern part of Cebu.”