-- Advertisements --

Hinimok ni Rep. Leila De Lima ang mga kasamahan sa Kamara na suportahan ang House Resolution No. 680 laban sa umano’y “inappropriate at undiplomatic” na pahayag ng Chinese Embassy.

Ito ay kasunod ng pagbawal sa 16 opisyal ng Kalayaan, Palawan na pumasok sa China, Hong Kong, at Macau, bilang tugon sa deklarasyon kay Ambassador Jing Quan bilang persona non grata sa Pag-Asa Island. Sinabi ni De Lima na kasama niya ang mga opisyal at ito’y “isang karangalan na itaguyod ang ating pambansang dangal.”

Layunin ng resolusyon na magbigay ng malakas at matapang na tugon ng gobyerno laban sa panlilinlang, pambubully, at karahasan ng China sa West Philippine Sea. Kasalukuyan itong nakabinbin sa House Committee on Foreign Affairs.

Iginiit ng Malacañang na iginagalang ni Pangulong Marcos ang kalayaan sa pagpapahayag ng embahador at ng mga opisyal ng Chinese Embassy. (report by Bombo Jai)