Lumitaw sa dokumento na inihain sa Korte Suprema na si dating Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co ay nasa Nacka, Stockholm, Sweden noong Enero 15, 2026.
Ang ebidensya ay napatunayan sa pamamagitan ng kaniyang lagda at pagkakakilanlan, na kalakip ng kanyang petisyon laban kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla.
Humihiling si Co ng Temporary Restraining Order (TRO) upang pigilan ang implementasyon ng resolusyon na nagrerekomenda ng kasong graft at malversation laban sa kaniya.
May warrant of arrest din si Co mula sa Sandiganbayan kaugnay ng P289-milyong flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.
Ayon sa kaniyang mga abogado, umalis siya sa bansa noong Hulyo 19, 2025 para sa medical leave at hindi na nakabalik dahil sa umano’y banta sa kanyang buhay.
Iginiit din ni Co na nilabag ang kaniyang constitutional rights para sa due process dahil hindi siya nabigyan ng tamang abiso upang makapagsumite ng counter-affidavit.
Dagdag pa niya, hindi sapat ang mga natuklasan ng Independent Commission for Infrastructure upang siya ay kasuhan.
Taliwas ito sa naunang pahayag ng Interior Secretary Jonvic Remulla na si Co ay naninirahan umano sa Lisbon, Portugal.
Sa ngayon, patuloy na hinihintay ang tugon ng Ombudsman hinggil sa hirit na TRO ng dating mambabatas.
















