Epektibo na nitong madaling araw ng Sabado, Enero 31, oras sa Amerika, ang partial shutdown sa gobyerno ng Amerika matapos mabigong maipasa ang 2026 budget bago ang itinakdang midnight deadline.
Ang pangunahing dahilan ay ang galit ng Democrats sa pagpatay ng federal immigration agents sa dalawang American protesters sa Minneapolis, na nagpaantala sa mga pag-uusap kaugnay sa extended funding para sa Department of Homeland Security (DHS), na namamahala sa Immigration and Customs Intelligence (ICE).
Bunsod ng partial shutdown, ilang non-essential government operations ang inaasahang pansamantalang matitigil kabilang ang mga serbisyo hanggang sa aprubahan ng US Congress ang isang short-term funding bill o full-year budget.
Sa ngayon, sinusubukan ng congressional leaders na makakalap ng sapat na boto upang maipasa ng House of Representatives ang inaprubahang bill ng US Senate sa oras na magbalik sesyon ang House sa Lunes, Pebrero 2.
Ayon kay House Speaker Mike Johnson, kanilang pagbobotohan ang Senate-approved budget bill umaga ng Lunes habang sinabi naman ni US President Donald Trump na agad niyang lalagdaan ang legislation.
Ito na ang ikalawang government shutdown sa nakalipas na taon sa ilalim ng ikalawang termino ni Trump. Ito rin ay labing-isang linggo lamang ang nakakalipas mula nang matapos ang huling funding dispute, na nagtagal ng 43 araw, na itinuturing bilang pinakamahabang government shutdown sa kasaysayan ng Amerika.
















