Maghihigpit na sa pagdadala ng armas ang Commission on Elections sa walong barangay sa Antipolo City simula sa Pebrero 12 bilang paghahanda sa gaganaping special election.
Batay sa inilabas na Comelec Resolution No. 11190, magtatagal ang election period hanggang sa Marso 29 sa mga barangay ng Calawis, Cupang, Dalig, Inarawan, San Jose, San Juan, San Luis, at San Roque.
Dahil dito, mahigpit na ipagbabawal ang pagbibiyahe ng mga baril, deadly weapons, at controlled chemicals nang walang kaukulang pahintulot mula sa poll body.
Magsisimula naman ang pagtanggap ng aplikasyon para sa Certificate of Authority o gun ban exemption sa darating na Pebrero 2 hanggang Marso 18 sa mga working days.
Kaalinsabay nito, maglalatag din ng mga Comelec checkpoints ang mga otoridad sa mga estratehikong lugar upang matiyak ang seguridad, habang tinitignan na rin ang posibilidad ng pagtukoy sa ilang bahagi ng distrito bilang election areas of concern.
Isasagawa ang nasabing halalan sa Marso 14 upang punan ang nabakanteng silya sa Kamara ng Ikalawang Distrito ng Antipolo.
Ito ay matapos pumanaw ang dating kinatawan na si Rep. Romeo Acop dahil sa heart attack noong Disyembre ng nakaraang taon.
















